- Isa lamang ang pamamaraan upang malaman ang kinaroroonan ng nagtatagong grupo(mapa-grupo man ng bida o kalaban), huhulihin ang isa sa mga kaibigan o kakilala, pahihirapan hanggang sa mapaamin.
- Sa sandaling malaman nila ang kinaroroonan, pupuntahan nila ang lugar sa'n mang sulok ng daigdig (sa probinsya, sa barko o sa terminal ng bus) at tiyak na matatagpuan nila ang mga ito. Hindi naliligaw!
- Mabilis mapatay ang kalaban, isang bala lang ng baril ang katapat. Sa kabilang dako, ang bida, malapit na sa puso ang tama buhay pa at take note, nakakatakbo pa ng mabilis at nakikipagsuntukan pa! (Aba'y parang simpleng galos lang.)
- Ang bida parang hindi nasasaktan. Tatalon yan mula sa ikalawa o ikatlong palapag (with matching babasagin ang salamin ng bintana) at mahuhulog sa lapag sabay takbo ng mabilis. (Pare, bakal ba ang buto mo? hindi nababali!)
- 'Pag ubos na ang lahat ng kalaban (as in dedo na), magtutuos naman ang bida at ang kontrabida. Sa likod ng mga kahon o pader magtatago ang bawat isa, hawak ang kani-kaniyang baril tapos mag-uusap pa yan. Sisigaw ng ganito: "tapusin na natin 'to!" (at kung anu-ano pa)
- Ang importanteng karakter sa pelikula (kamag-anak man o kaibigan ng bida) kapag nabaril o nasaksak, makikipag-usap muna at makalipas ang ilang minutong usapan sabay mamamatay sa braso ng bida.
- Ang mga pulis darating lang 'pag tapos na ang bakbakan. Tipong poposasan na lang nila ang suspect at isasakay sa police car.
- Kung magkakaroon man ng engkwentro sa pagitan ng mga pulis at kalaban, mapapansin nating ang mga pulis na hindi naka-uniporme ay may nakataling puting towel sa may noo.
- Ang kontrabida, kung hindi makukulong ay mapapatay ngunit ang bida, ano pa man ang mangyari sa bandang huli mananatiling buhay. (Syempre nga naman kasi 'pag namatay ang bida tapos ang storya!)
Ang layunin ng post na ito ay hindi upang pulaan ang action movies na sariling atin. Ang mga nasabi ay pawang obserbasyon lamang. Marahil sa mga susunod na pagkakataon, foreign action films naman ang ating titignan.
Sa aking panonood, hindi ko namalayang lumagpas na pala ako sa lugar kung saan ako dapat bumaba. Sa Buendia Station ng MRT, Edsa ako nakarating. At dahil sa tinamad na akong bumalik, umuwi na lamang ako! huhu!
No comments:
Post a Comment